Tularan ang Pagiging Mapagsakripisyo ni Jesus

Notes on Watchtower Study (5/1/2022):

ARALING ARTIKULO 9 (w02/22)

Tularan ang Pagiging Mapagsakripisyo ni Jesus

“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—GAWA 20:35.

ANO ANG SAGOT MO?

(1)          Paano pinaglingkuran ni Jesus ang iba?

Par. 4 – Sa isang pagkakataon, nagpunta si Jesus sa bundok na malapit sa Capernaum para manalangin. At buong gabi siyang nanalangin, kaya siguradong pagod na pagod siya. Pero pagkababa niya ng bundok, nakita niya ang napakaraming tao na naghihintay sa kaniya. Dahil sa naawa siya sa mahihirap at mga maysakit, tinulungan niya ang mga tao kahit pagod na pagod siya. Bukod sa pinagaling niya sila, ibinigay rin niya ang isa sa pinakanakapagpapatibay na pahayag sa buong kasaysayan—ang Sermon sa Bundok.​—Luc. 6:12-20.

Par. 6 – Isa pang halimbawa, nang mabalitaan ni Jesus na pinugutan ng ulo ang kaibigan niyang si Juan Bautista, siguradong lungkot na lungkot siya. Dahil sa pagdadalamhati, umalis siya sakay ng bangka papunta sa isang liblib na lugar para mapag-isa. (Mat. 14:10-13) Bago pa siya dumating sa liblib na lugar na iyon, marami nang tao ang naghihintay sa kaniya. Ano ang ginawa  ni Jesus? Nakita niya na kailangan siya ng mga tao, at “naawa siya” sa kanila. Alam niya na kailangang-kailangan nila ng pampatibay sa espirituwal kaya agad niya silang tinulungan. Sa katunayan, hindi lang kaunti ang itinuro niya, kundi “tinuruan niya sila ng maraming bagay.” Hindi ipinagdamot ni Jesus ang oras na para sana sa sarili niya.

 

(2)          Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus?

Par. 5 – Matutularan ng mga ulo ng pamilya ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus kapag pagód sila. Halimbawa, kapag umuwing pagod na pagod ang ulo ng pamilya galing sa trabaho baka naisip niyang huwag na munang ituloy ang Pampamilyang Pagsamba nila nang gabing iyon, pero humingi siya ng lakas kay Jehova. Sinagot ni Jehova ang panalangin niya kaya natuloy ang pag-aaral nila. Sinisikap ng mga magulang na maging mainam na halimbawa sa mga anak nila sa pagpapakita na ang espirituwal na mga bagay ang pinakamahalaga.

Par. 7-8 – Tinutularan ng mga elder si Jesus kapag may nangangailangan ng tulong. Karamihan sa mga ginagawa nila ay hindi nakikita ng kongregasyon. Halimbawa, kapag may emergency, tumutulong agad sa mga kapatid ang mga miyembro ng Hospital Liaison Committee. Kadalasan nang dis-oras ng gabi nangyayari ang gayong mga emergency. Pero dahil naaawa sila sa kapatid na nangangailangan, inuuna ng mga elder na iyon at ng mga pamilya nila ang kapakanan ng mga kapatid.

Tumutulong din ang mga elder sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at ng iba pang pasilidad. Nandiyan din sila kapag may sakuna. Malaking panahon din ang ginagamit nila sa pagtuturo, pagpapatibay, at pagsuporta sa mga kapatid sa kongregasyon. Kaya karapat-dapat ang mga elder pati na ang kanilang pamilya sa ating taimtim na komendasyon. Puwede rin nating ipanalangin na sana’y pagpalain ni Jehova ang mga pagsisikap nila. Pero kailangan ding maging balanse ng mga elder. Hindi dapat mapabayaan ang pangangailangan ng pamilya dahil sa pagtulong sa gayong teokratikong mga gawain.

 

(3)          Ano ang mga puwede nating gawin para maging mapagsakripisyo?

Par. 9 – Hinihimok ng Filipos 2:4, 5 ang mga kristiyano na isipin ang kapakanan ng iba, hindi lang ang pansariling kapakanan. At para magawa ito, binanggit sa teksto na kailangan ng isa na taglayin ang pag-iisip ni Kristo. Ano ba yung pag-iisip ni Kristo? Sa Fil. 2:7 sinabi na “nag-anyong alipin” si Jesus. Ibig sabihin nito na minalas ni Jesus ang kaniyang sarili bilang alipin ni Jehova.

Buweno, ang isang tunay na alipin ay hindi basta naghihintay lang na sabihan ng kaniyang panginoon kung ano ang gagawin. Masikap siyang humahanap ng mga pagkakataon para mapaluguran ang panginoon niya. Kaya, tayo rin, kung mamalasin natin ang ating sarili bilang alipin ni Jehova at isang lingkod sa mga kapatid, tiyak na gusto natin na higit pang magamit ni Jehova at makatulong sa mga kapatid. Kasuwato ng binanggit sa Awit 110:3, handa tayong mag-boluntaryo o sa diwa ay ‘kusang-loob na ihandog ang ating sarili’ para makatulong sa mga kapatid.

 

Par. 10 – Puwede nating tanungin ang sarili: ‘Gusto ko ba talagang magsakripisyo para matulungan ang iba? Ano ang gagawin ko kung hilingan akong dalawin ang isang may-edad na brother sa nursing home o ihatid ang isang may-edad na sister sa pulong? Handa ba akong magboluntaryo kapag kailangang linisin ang lugar ng kombensiyon o mantinihin ang Kingdom Hall?’

Puwede nating suriin ang ating sarili para makita natin kung may kailangan pa tayong pasulungin, marahil sa ‘quality’ o ‘quantity’ ng ating ginagawang paglilingkod kay Jehova. Baka puwede pa nating dagdagan ang ginagamit nating oras, lakas at material na mga bagay para tulungan ang iba. Tutal, inialay na natin kay Jehova ang sarili natin at nangako tayo na gagamitin natin ang lahat ng taglay natin para paglingkuran siya. Kung gagawin natin ito, magiging maligaya tayo, yamang alam natin na napasasaya natin si Jehova kapag ginagamit natin ang ating oras, lakas, at materyal na mga bagay para tulungan ang iba.

Par. 11 – Kapag nakita natin na kailangan pa nating maging mapagsakripisyo, pero kulang ang pagnanais natin na gawin iyon. Marubdob na manalangin kay Jehova. Sabihin sa kaniya ang talagang nararamdaman natin at hilingin sa kaniya na bigyan tayo ng “pagnanais at lakas para kumilos.”​—Fil. 2:13.

Par. 13-14 – Maging maagap sa pangangailangan ng iba. Hindi laging ipinapaalám ng mga kapatid kung ano ang kailangan nila. Hindi natin dapat isipin na may iba namang tutulong sa kaniya o na lagi siyang magsasabi sa atin. Baka puwede nating alamin ang kalagayan ng isang kapatid at tanungin ang sarili, ‘Kung ako ang nasa sitwasyon niya, ano kayang tulong ang gusto kong matanggap?’ Tiyak na masaya si Jehova kung kusa tayong tutulong sa kaniya.

Par. 15 – Maging gaya ni Jesus na madaling lapitan, mapagmalasakit, at mapagmahal.

Comments