Source: JW Publications, it-2 p. 48 Kaunawaan
Ano ang kahulugan ng
Kaunawaan?
Pangunahin na, ang kaunawaan
ay ang kakayahang makita ang nasa likod ng isang situwasyon. Ang pagkilos nang
may kaunawaan ay nangangahulugan ng pagkilos nang may kapantasan, karunungan.
Ayon sa Old Testament Word Studies ni Wilson, ang pandiwang Hebreo na sa·khalʹ
ay nangangahulugang “tingnan; maging pantas, maingat; kumilos nang may
kapantasan, maging matalino.” (1978, p. 461) Sa gayon, ang sa·khalʹ ay
isinasalin bilang “may kaunawaan” (Aw 14:2), ‘kumilos nang may kapantasan’ (1Sa
18:5; Kaw 10:19), ‘magtagumpay’ (Kaw 17:8), ‘pangyarihing magpakita ng
kaunawaan’ (Kaw 16:23). Ang pangngalang seʹkhel naman ay isinasalin bilang “kaunawaan.”—1Sa
25:3; Aw 111:10.
Sa Griegong Kasulatan, ang
pandiwang sy·niʹe·mi ay isinasalin bilang “may kaunawaan” sa Roma 3:11, na
sinisipi ng apostol na si Pablo mula sa Awit 14:2. Ang sy·niʹe·mi ay isinasalin
din bilang ‘makuha ang diwa ng’ (Mat 13:13-15), ‘maintindihan’ (Mat 16:12),
‘maunawaan’ (Gaw 28:26), at ‘unawain’ (Efe 5:17).
Pagkakaiba ng Kaunawaan at
Unawa
Ang salitang Ingles na insight
[kaunawaan] ay may malapit na kaugnayan sa understanding [unawa], ngunit may
bahagyang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang terminong ito. Ganito ang sabi ng
Theological Wordbook of the Old Testament: “Samantalang ang bin [understanding]
ay nagpapahiwatig ng ‘pagkilala ng pagkakaiba,’ ang [sa·khalʹ] naman ay
nauugnay sa isang matalinong pagkaalam sa dahilan. Kalakip dito ang proseso ng
pag-iisip nang mabuti sa isang masalimuot na pagkakaayos ng mga ideya na ang
resulta ay paggawi nang may karunungan at paggamit ng mahusay at praktikal na
sentido komun. Ang isa pang resulta na idiniriin nito ay ang pagiging
matagumpay.”—Inedit ni R. L. Harris, 1980, Tomo 2, p. 877;
tingnan ang UNAWA.
Paano matatamo ang
Kaunawaan?
Ang Diyos na Jehova ay
nagbibigay ng kaunawaan sa kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng paglalaan sa
kanila ng payo na magagamit nila upang ituwid ang kanilang mga hakbang at
kontrolin ang kanilang mga pagkilos. (Aw 32:8; ihambing ang Dan 9:22.)
Inilalaan niya ang gayong matalinong patnubay sa pamamagitan ng kaniyang
Salita. Gayunman, upang magtamo ng kaunawaan, hindi lamang pagbabasa ng Bibliya
ang dapat gawin ng isang tao. Dapat niya itong pahalagahan upang maudyukan siya
na gawin ang lahat ng itinatagubilin ng Diyos. (Jos 1:7, 8; 1Ha 2:3) Kailangan
din ang tulong ng espiritu ng Diyos. (Ne 9:20; ihambing ang 1Cr
28:12, 19.) Kapag natamo na ang kaunawaan, kailangan itong ingatan. Maaari
itong maiwala ng isa kung tatalikod siya mula sa mga daan ng Diyos.—Aw 36:1-3;
Kaw 21:16.
Paano maipakikita ang Kaunawaan?
Maipakikita ang kaunawaan sa
iba’t ibang paraan, na ang resulta ay pagpapala sa nagtataglay nito at gayundin
sa iba. Ang isa na “gumagawi nang may pakundangan [nang may kaunawaan] sa
maralita” ay ipinapahayag ng salmista bilang maligaya. (Aw 41:1) Ang asawang
babae na “pantas” (nagpapakita ng kaunawaan) ay inilalarawan bilang isang
pagpapala mula kay Jehova. (Kaw 19:14) Ang kaunawaan, na tumitingin sa likod ng
mga bagay na nakikita, ay tumutulong sa isa upang mabantayan niya ang kaniyang
bibig (Kaw 10:19; 16:23) at upang malaman niya kung kailan siya mananahimik.
(Am 5:13) Tinutulungan din nito ang isa na umiwas sa galit at palampasin ang
pagsalansang. (Kaw 19:11) Ang taong may kaunawaan ay tumatanggap ng pagtutuwid.
(Aw 2:10) Ayon sa Kawikaan 21:11, kapag ang taong marunong ay nagtamo ng
kaunawaan—samakatuwid nga, kapag maingat niyang isinaalang-alang ang
impormasyong taglay niya at bilang resulta nito ay nagkakaroon siya ng mas
malinaw na pagkaunawa sa isang bagay—“nagtatamo siya ng kaalaman,” samakatuwid
nga, alam niya kung ano ang gagawin hinggil sa bagay na iyon, kung anong mga
konklusyon ang bubuuin, kung anong payo ang ibibigay.
Gaano kahalaga ang Kaunawaan?
*** w16 Hunyo p. 29 Makadiyos
na Katangian na Mas Mahalaga Kaysa sa Diamante ***
Ayon sa Kawikaan 3:13-15:
“Maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagtatamo ng
kaunawaan, sapagkat ang pagkakamit nito bilang pakinabang ay mas mabuti kaysa
sa pagkakamit ng pilak bilang pakinabang at ang pagkakamit nito bilang ani
kaysa sa ginto. Ito ay mas mahalaga kaysa sa mga korales, at ang lahat ng iba
pang kaluguran mo ay hindi maipapantay rito.” Maliwanag na mas pinahahalagahan
ni Jehova ang mga katangiang iyon kaysa sa anumang materyal na kayamanan.
*** w97 3/15 p. 14-15 Ikiling
ang Inyong Puso sa Kaunawaan ***
Ang Kaunawaan at ang Ating
Landasin sa Buhay
12 Nakatutulong sa atin ang
kaunawaan na mapanatili ang isang wastong landasin sa lahat ng ating gawain.
Ipinakikita ito ng Kawikaan 15:21, na nagsasabi: “Ang kamangmangan ay pagsasaya
sa isa na may kakulangan sa puso, ngunit ang taong may kaunawaan ay
nananatiling tuwid ang daan.” Paano natin uunawain ang kawikaang ito? Ang landasin
ng kamangmangan, o kahangalan, ay nakagagalak sa mga lalaki, babae, at
kabataang walang-katuwiran. Sila’y “may kakulangan sa puso,” anupat walang
mabuting motibo, at gayon na lamang kahangal anupat nagsasaya sila sa
kamangmangan.
13 Natutuhan ng may-kaunawaang Haring Solomon ng
Israel na ang kasayahan ay walang gaanong kabuluhan. Inamin niya: “Sinabi ko,
sa aking puso: ‘Pumarito ka ngayon, susubukin kita nang may pagsasaya.
Gayundin, magpakasawa ka.’ At, narito! iyan din ay walang kabuluhan. Sinabi ko
sa pagtawa: ‘Kabaliwan!’ at sa pagsasaya: ‘Anong ginagawa nito?’ ” (Eclesiastes
2:1, 2) Yamang isang taong may kaunawaan, natuklasan ni Solomon na ang
katuwaan at pagtawa lamang ay hindi nakapagbibigay-kasiyahan, sapagkat ang mga
ito ay hindi nagbubunga ng tunay at namamalaging kaligayahan. Ang pagtawa ay
maaaring makatulong sa atin na pansamantalang makalimutan ang ating mga
suliranin, ngunit pagkatapos nito ay lilitaw na naman ang mga ito nang mas
malala pa. Wastong masasabi ni Solomon na “kabaliwan” ang pagtawa. Bakit?
Sapagkat hinahadlangan ng walang-katuturang pagtawa ang matalinong pagpapasiya.
Maaaring udyukan tayo nito na ipagwalang-bahala ang maseselang na bagay. Ang
uri ng pagsasaya na nauugnay sa mga salita at pagkilos ng isang payaso ay hindi
maaaring ituring na magbubunga ng isang bagay na kapaki-pakinabang. Ang
pag-unawa sa kahulugan ng pagsubok ni Solomon sa pagtawa at katuwaan ay
tumutulong sa atin na maiwasang maging “mga maibigin sa mga kaluguran kaysa
maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1, 4.
14 Paano nangyayari na ang
taong may kaunawaan ay nananatiling “tuwid ang daan”? Ang espirituwal na
kaunawaan at pagkakapit ng maka-Diyos na mga simulain ay umaakay sa mga tao sa
isang matapat, matuwid na landasin. Ang salin ni Byington ay tahasang nagsasabi:
“Ang kamangmangan ay lubos na kaligayahan sa isang taong walang-utak, ngunit
ang isang matalinong tao ay hahayo nang tuwid.” “Ang taong may kaunawaan” ay
nagtutuwid ng kaniyang lakad at nagagawang makilala ang ang pagkakaiba ng tama
at mali dahil sa pagkakapit ng Salita ng Diyos sa kaniyang buhay.—Hebreo 5:14;
12:12, 13.
Comments
Post a Comment