Nagpapasiya ka ba batay sa simulain ng Bibliya?

Ang mga hayop ay pinapatnubayan ng likas na ugali (instinct). Maraming makina ang dinisenyo upang sumunod sa mga instruksiyon. Ngunit ang mga tao ay aktuwal na nilalang upang gabayan ng mga simulain. Nang kaniyang gawin ang unang mga tao, ipinahayag ni Jehova, ang Tagapagpasimula ng lahat ng matutuwid na simulain: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” Ang Maylalang ay isang espiritu; wala siyang pisikal na katawan kagaya natin, kaya tayo ay ginawa ayon sa kaniyang “larawan” sa diwa na maaari nating tularan ang kaniyang personalidad, anupat maipakikita ang kaniyang maiinam na katangian sa isang antas. May kakayahan ang mga tao na ugitan ang kanilang buhay batay sa mga simulain, iyon ay, salig sa kanilang pinaniniwalaang kodigo ng tamang pagkilos. Pinangyari ni Jehova na maiulat ang marami sa mga simulaing ito sa kaniyang Salita.—Genesis 1:26; Juan 4:24; 17:17.

Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming simulain. Subalit isaalang-alang ang bagay na ito: Bagaman kapaki-pakinabang ang lahat ng makadiyos na simulain, mas mahalaga ang ilang simulain kaysa sa iba. Mapapansin mo iyan sa Mateo 22:37-39, kung saan ipinakita ni Jesus na sa mga utos at kaugnay na mga simulain ng Kautusang Mosaiko, ang ilan ay mas mahalaga kaysa sa iba.

Aling mga simulain ang mas mahalaga? Ang mga pangunahing simulain sa Bibliya ay yaong tuwirang nakaaapekto sa ating kaugnayan kay Jehova. Kung isasapuso natin ang mga ito, ang Maylalang ang nagiging pangunahing impluwensiya sa ating moral na kompas. Karagdagan pa, may mga simulain na nakaaapekto sa ating pakikipag-ugnayan sa ibang mga tao. Ang pagkakapit sa mga ito ay tutulong sa atin na mapaglabanan ang simulaing maka-ako, anuman ang tawag dito.


Pangunahing Simulain sa Bibliya 


  1. Tuwirang nakaaapekto sa ating kaugnayan kay Jehova

“Ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” —Awit 83:18.

Maliwanag kung sino talaga ang kailangang maging pinakapangunahin sa ating buhay—ang ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay. Kung gayon, hindi ba angkop na labanan ang anumang hilig na mag-ukol ng pansin sa ating sarili—isang hilig na marahil ay mas masidhi sa ilan kaysa sa iba? Ang isang umuugit na matalinong simulain ay ang ‘gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.’ (1 Corinto 10:31) Ang propetang si Daniel ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa hinggil dito..—Basahin ang Daniel 2:28, 30; 9:23; 10:11, 19.

Ang pinakapangunahing salik sa pagtulad sa halimbawa ni Daniel ay ang motibo. Sino ang dapat parangalan sa ating nagawa? Anuman ang iyong kalagayan, may kakayahan kang kumilos kasuwato ng napakahalagang simulaing ito ng Bibliya—si Jehova ang Soberanong Panginoon. Ang paggawa ng gayon ay magpapangyari sa iyo na maging “lubhang kalugud-lugod” sa kaniyang paningin.



  1. Larangan ng pakikipagkapuwa-tao

  • “hindi ang isa na nagrerekomenda ng kaniyang sarili ang sinasang-ayunan, kundi ang taong inirerekomenda ni Jehova.”—2 Corinto 10:18

  • “huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil sa galit o pagmamataas. Sa halip, maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo, habang iniisip ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.”—Filipos 2:3, 4 

Simulain: “Kababaan ng pag-iisip”


Ang isang tao na may wastong saloobin hinggil sa kaniyang sarili at may mahusay na pagtaya sa kaniyang sariling halaga, ay si Gideon, isang hukom sa mga sinaunang Hebreo. Hindi niya hinangad na maging isang lider ng Israel. Gayunman, nang atasan siyang gampanan ang papel na iyon, itinawag-pansin ni Gideon ang kaniyang pagiging di-karapat-dapat. “Ang aking sanlibo ang pinakamababa sa Manases, at ako ang pinakamaliit sa sambahayan ng aking ama,” ang paliwanag niya.—Hukom 6:12-16.

Bukod dito, pagkatapos ipagkaloob ni Jehova ang tagumpay kay Gideon, nagsimulang makipagtalo ang mga lalaki ng Efraim sa kaniya. Paano tumugon si Gideon? Nakadama ba siya ng higit na importansiya dahil sa kaniyang tagumpay? Hindi. Iniwasan niya ang kapahamakan sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang mahinahong tugon. “Ano ba ang ginawa ko ngayon kung ihahambing sa inyo?” May kababaan ng pag-iisip si Gideon.—Hukom 8:1-3.


Note: Yaong mga inuuna ang kanilang sarili ay bihirang masiyahan. Nais ng karamihan ang mas magandang buhay, at nais nilang ngayon na ito makamit. Para sa kanila, ang kahinhinan ay nagpapahiwatig ng kahinaan. Itinuturing nila ang pagtitiyaga bilang isang bagay na dapat ipamalas lamang ng iba. Pagdating sa kanilang pagkakamit ng katanyagan o tagumpay, maaari nilang gawin ang kahit ano.

Maaaring pilipitin ng laganap na saloobing nagtutuon sa sarili ang ating pangmalas hinggil sa pagpapahalaga sa sarili. Itinutuwid ng mga simulain ng Bibliya ang pilipit na pangmalas na iyan, na itinuturo sa atin ang ating tunay na halaga may kaugnayan sa Maylalang at sa ibang tao.

Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, nadaraig natin ang saloobing maka-ako. Hindi na tayo madadala ng mga damdamin o mga personalidad.


Reference: *** w02 2/15 p. 4-5 Makikinabang Ka sa Makadiyos na mga Simulain ***


Iba pang Simulain sa Bibliya

Nagbigay ang Diyos na Jehova sa mga Kristiyano ng banal na mga simulain upang makapagpasiya sila nang tama. Ang pag-aaral ng mga simulain sa Bibliya at pagkakapit ng mga ito ay maihahalintulad sa pag-aaral ng wika at paggamit nito. Kapag naging bihasa ka na sa wika, kadalasang masasabi mo kung may mali sa gramatika ng isang tao sapagkat hindi tama sa pandinig mo ang sinasabi niya. Baka hindi mo espesipikong matukoy kung ano ang mali sa sinabi niya, pero alam mong mali iyon. Kapag nalaman mo ang mga simulain sa Bibliya at alam mong ikapit ang mga ito sa iyong sarili, kadalasang masasabi mo kung ang pasiya ay hindi angkop, o taliwas sa mga simulain ng Diyos.



Teksto: 1 Timoteo 2:9, 10

Simulain: Kahinhinan at Katinuan ng pag-iisip

Pagkakapit: Maaaring itanong ng binata sa kaniyang sarili, ‘Makikita ba sa istilo ng buhok ko ang kahinhinan na angkop sa isang Kristiyano?’


Teksto: Santiago 4:4

Simulain: Ang Kaibigan ng sanlibutan ay Kaaway ng Diyos

Pagkakapit: Ayaw man lamang isipin ng mga Kristiyano na maging kaibigan ng sanlibutan, na kaaway ng Diyos. Kung pipiliin ng isang binata ang istilo ng buhok na gusto ng kaniyang mga kaibigan, masasabi bang kaibigan siya ng Diyos o kaibigan ng sanlibutan? Magagamit ng kabataang pumipili ng istilo ng buhok ang gayong mga simulaing salig sa Bibliya upang makagawa ng matalinong pasiya.


Mababasa natin sa Bibliya kung paano sinunod ng ilang tao ang patnubay ng Diyos at kung paano naman binale-wala ng iba ang Kaniyang mga babala. (Genesis 4:6, 7, 13-16; Deuteronomio 30:15-20; 1 Corinto 10:11) Sa pagbabasa sa gayong mga ulat at sa pagsusuri sa mga kinahinatnan nito, malalaman natin ang mga simulain ng Diyos na makatutulong sa atin sa paggawa ng mga pasiyang nakalulugod sa Diyos.


Teksto: Mateo 17:24-27 

Simulain: Maibiging pakikitungo sa iba

Pagkakapit: Kapag nagkamali ang iba, makabubuting tularan natin si Jesus, anupat mahabagin silang pakitunguhan sa halip na ipamukha sa kanila ang pagkakamali nila o hatulan sila.

Simulain: Paggalang sa budhi ng iba

Pagkakapit: Hindi obligado si Jesus na magbayad ng buwis. Gayunman, itinuro ni Jesus na mas mahalaga na isaalang-alang ang budhi ng iba kaysa sa igiit ang ating mga karapatan.



Reference: *** w06 4/15 p. 15 Paano Ka Makapagpapasiya Nang Ayon sa Kalooban ng Diyos? ***

 

Comments