Reference: *** na p. 5 “Sambahin Nawa ang Pangalan Mo”—Anong Pangalan? ***
(1) Bakit ang iba’t-ibang tagapagsalin ng Bibliya ay may iba’t-ibang pangalan para sa Diyos?
Iba’t-iba ang pakikitungo sa pangalan ng Diyos ng mga tagapagsalin ng Bibliya. Bilang halimbawa, tingnan ang Awit 83:18.
Tiyak na karamihan ng tagapagsalin ng Bibliya ay gumagalang sa Bibliya at taimtim sila sa hangaring gawing kauna-unawa ito sa modernong panahong ito. Nguni’t sila’y hindi kinasihan. Marami sa kanila ang may matinding opinyon tungkol sa relihiyon at baka naiimpluwensiyahan ng sariling mga kuru-kuro at kagustuhan. Baka sila magkamali rin pati sa paghatol.
(2) Paano ba ang Bigkas ng Pangalan ng Diyos?
Walang sinuman na tiyakang nakakaalam kung paano unang-unang binigkas ang pangalan ng Diyos. Bakit ganoon? Hebreo ang unang wika na ginamit sa pagsulat ng Bibliya, at sa pagsulat sa Hebreo, ang isinusulat ng mga manunulat ay mga katinig lamang—hindi mga patinig. Kaya, nang isulat ng kinasihang mga manunulat ang pangalan ng Diyos, natural na ganoon din ang gawin nila at mga katinig lamang ang isinulat nila.
Habang ang sinaunang Hebreo ang ginagamit na wika sa araw-araw, walang problema. Ang bigkas ng Pangalan ay alam na alam ng mga Israelita at pagka nakita nila ito na nakasulat, sila na ang naglalagay ng mga patinig nang hindi na nila iniisip pa (kung paano, para sa bumabasa ng Ingles, ang daglat na “Ltd.” ay “Limited” at ang “bldg.” ay “building”).
Dalawang bagay ang bumago ng kalagayang ito. Una, nagkaroon ang mga Judio ng pamahiin na masamang sabihin nang malakas ang banal na pangalan, kaya pagka mayroon nito sa kanilang binabasa sa Bibliya ang binibigkas nila ay ang salitang Hebreo na ’Adho·naiʹ (“Soberanong Panginoon”). At, sa paglakad ng panahon, ang sinaunang wikang Hebreo ay hindi na ginagamit sa araw-araw, kaya ang orihinal na bigkas sa Hebreo ng pangalan ng Diyos ay nakalimutan.
Upang ang pagbigkas sa buong wikang Hebreo ay hindi makalimutan, ang mga iskolar na Judio noong ikalawang bahagi ng unang milenyo C.E. ay umimbento ng isang sistema ng mga puntos upang kumatawan sa mga patinig na hindi isinusulat, at kanilang inilagay ang mga ito sa palibot ng mga katinig sa Bibliyang Hebreo. Kaya, kapuwa ang mga patinig at katinig ay isinulat, at ang bigkas niyaon ay naingatan noon.
Pagdating sa pangalan ng Diyos, sa halip na ilagay sa palibot niyaon ang wastong mga puntos ng patinig, malimit na ang inilalagay nila ay mga ibang puntos ng patinig upang ipaalaala sa mambabasa na ang dapat niyang sabihin ay ’Adho·naiʹ. Dito nanggaling ang baybay o ispeling na Iehouah, at, sa wakas, Jehovah ang tinanggap na bigkas ng banal na pangalan sa Ingles. Taglay pa rin nito ang mahalagang mga bahagi ng pangalan ng Diyos sa orihinal na Hebreo.
(3) Hindi ba mas mabuting gamitin ang anyo na baka mas malapit sa orihinal na bigkas?
Hindi, sapagka’t hindi ganiyan ang kaugalian sa mga pangalan sa Bibliya.
Ipaghalimbawa natin ito sa pangalan ni Jesus. Walang taong tiyakang nakakaalam kung ano ang pang-araw-araw na tawag kay Jesus ng pamilya at mga kaibigan niya nang siya’y lumalaki sa Nazaret, bagaman baka nahahawig sa Yeshua (o marahil Yehoshua). Tiyak na hindi Jesus.
Nang isulat sa Griego ang kaniyang talambuhay, hindi ang orihinal na bigkas Hebreo ang inilagay roon ng kinasihang mga manunulat. Ang ginamit nila ay ang pangalan sa Griego, I·e·sousʹ. Ngayon, iba rin ang ginagamit at kaayon iyon ng wika ng bumabasa ng Bibliya. Ang mga mambabasa ng Bibliyang Kastila ay Jesús (binibigkas na Hes·soosʹ). Ang ispeling Italyano ay Gesù (binibigkas na Djay·zooʹ). Ang ispeling ng mga Aleman ay Jesus (binibigkas na Yayʹsoos).
Dapat ba tayong huminto ng paggamit ng pangalan ni Jesus dahil sa karamihan sa atin, o lahat pa nga sa atin, ay hindi talagang nakakaalam ng orihinal na bigkas niyaon? Wala pang tagapagsalin na nagmumungkahi ng ganiyan. Ibig nating gamitin ang pangalan, sapagka’t ipinakikilala nito ang sinisintang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na naghandog ng kaniyang buhay para sa atin. Pagpaparangal ba kay Jesus kung aalisin sa Bibliya ang lahat ng kaniyang pangalan at hahalinhan iyon ng isang titulo lamang na gaya ng “Guro,” o “Tagapamagitan”? Hindi! May masasabi tayong kaugnayan kay Jesus pagka ginamit natin ang kaniyang pangalan ayon sa karaniwang bigkas sa ating wika.
Ganiyan din ang masasabi tungkol sa lahat ng pangalan na nababasa natin sa Bibliya. Ang bigkas natin ay ayon sa ating wika at hindi natin ginagaya ang orihinal na bigkas. Ang bigkas natin ay “Jeremias,” hindi Yir·meyaʹhu. Ang bigkas natin ay Isaias, bagaman noong kaniyang kaarawan malamang na ang propetang ito ay tinatawag na Yeshaʽ·yaʹhu. Maging ang mga iskolar man na may alam sa orihinal na bigkas ng mga pangalang ito ay yaong modernong bigkas ang ginagamit, hindi ang sinauna.
Totoo rin iyan sa pangalang Jehova. Bagaman ang modernong bigkas na Jehova ay baka hindi ang eksaktong bigkas niyan sa orihinal, hindi ito nakakabawas sa kahalagahan ng pangalan. Ipinakikilala nito ang Maylikha, ang Diyos na buháy, ang Kataastaasan na pinagsabihan ni Jesus: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.”—Mateo 6:9.
[Note: Pag-isipan ito – Kung mahalaga sa Diyos ang orihinal na bigkas ng pangalan niya, tiyak na iningatan niya ito hanggang sa panahon natin sa ngayon.]
(4) Aling Bigkas ang Gagamitin Ko?
Ang anyong Yahweh ay iminungkahi ng mga modernong iskolar na nanghihinuha kung ano ang orihinal na bigkas ng pangalan ng Diyos. Ang iba—bagaman hindi lahat—ay naniniwala na ang mga Israelita bago noong panahon ni Jesus ay baka Yahweh ang bigkas sa pangalan ng Diyos. Walang nakatitiyak. Baka ganoon ang bigkas nila, baka hindi ganoon.
Bagaman maraming tagapagsalin ang sang-ayon sa bigkas na Yahweh, ang anyo na Jehova ay nakasanayan na ng mga tao nang daan-daang taon. At, narito, gaya rin ng mga ibang anyo, ang apat na letra ng Tetragrammaton, YHWH o JHVH.
Isang propesor sa Alemanya ang nagsabi na ang anyo na Jehova ay naging lalong natural ngayon sa kanilang talasalitaan, at hindi ito maaaring halinhan.
Sinabi ng Jesuitang iskolar sa Pransiya: “Sa aming mga salin, sa halip na yaong (hipotetikong) anyong Yahweh, aming ginamit ang anyong Jéhovah . . . na siyang karaniwang anyo na ginagamit sa Pranses.”
Mali ba na gamitin ang isang anyo na gaya baga ng Yahweh? Hindi. Kaya lamang ay ang anyong Jehova ang malamang na makapukaw agad sa mambabasa sapagka’t nasa anyong “natural” sa karamihan ng wika. Ang mahalaga ay gamitin natin ang pangalan at ihayag ito sa mga iba. “Magpasalamat kayo kay Jehova, kayong mga tao! Kayo’y magsitawag sa kaniyang pangalan. Itanyag ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa. Sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay dakila.”—Isaias 12:4.
(5) Paano kumilos ang mga lingkod ng Diyos kasuwato ng utos sa Isaias 12:4?
Sa ngayon, angaw-angaw na mga tao sa buong daigdig ang malugod na tumanggap sa pribilehiyong taglayin ang pangalan ng Diyos, gamitin ito hindi lamang sa pagsamba kundi pati sa araw-araw na pakikipag-usap, at ihayag ito sa iba. Kung may nagbalita sa iyo tungkol sa Diyos ng Bibliya at ginamit ang pangalang Jehova, anong relihiyon ang sasaisip mo? May iisa lamang relihiyon na palagiang gumagamit ng pangalan ng Diyos sa kanilang pagsamba, gaya rin ng mga sumasamba sa kaniya noong una. Sila’y ang mga Saksi ni Jehova.
Comments
Post a Comment