*** w15 7/15 p. 7 mga
par. 1-2 Tumulong sa Pagpapaganda ng Espirituwal na Paraiso ***
SINABI ng Diyos na Jehova: “Ang langit ay
aking trono, at ang lupa ay aking tuntungan.” (Isa. 66:1) Tungkol sa kaniyang
“tuntungan,” sinabi rin niya: “Luluwalhatiin ko ang mismong dako ng aking mga
paa.” (Isa. 60:13) Paano niya ito ginagawa? At ano ang kahulugan nito para sa
atin na naninirahan sa “tuntungan” ng Diyos, ang lupa?
Paano niluluwalhati ng Diyos ang kaniyang “tuntungan”?
Sa Hebreong Kasulatan, ang
terminong “tuntungan” ay ginagamit din para ilarawan ang sinaunang templo sa
Israel. (1 Cro. 28:2; Awit 132:7) Napakaganda ng templong iyon para kay Jehova
dahil nagsilbi itong sentro ng tunay na pagsamba sa lupa, at nagbigay ito ng
kaluwalhatian sa tuntungan ng paa ni Jehova.
Sa ngayon, hindi na isang
literal na templo ang sentro ng tunay na pagsamba. Pero may isang espirituwal
na templo na lumuluwalhati kay Jehova nang higit kaysa sa anumang gusali. Ito
ang kaayusan ng Diyos ng paglapit sa kaniya sa pagsamba sa pamamagitan ng
pagkasaserdote at ng hain ni Jesu-Kristo. Nagsimula itong umiral noong 29 C.E.
nang bautismuhan si Jesus at pahiran bilang Mataas na Saserdote ng dakilang
espirituwal na templo ni Jehova.—Heb. 9:11, 12.
Ang “espirituwal na paraiso”
at ang “espirituwal na templo” ay magkaiba. Ang espirituwal na templo ay
kaayusan ng Diyos para sa tunay na pagsamba. Ang espirituwal na paraiso naman
ang malinaw na nagpapakilala kung sino ang mga sinasang-ayunan ng Diyos at
naglilingkod sa kaniya ngayon sa kaniyang espirituwal na templo.—Mal. 3:18. Inilalarawan ng espirituwal na paraiso ang
ating natatanging kapaligiran, o kalagayan, kung saan sagana ang espirituwal na
paglalaan at nagtatamasa tayo ng mapayapang kaugnayan sa Diyos at sa ating mga
kapatid.
Nakatutuwang malaman na mula
noong 1919, pinahintulutan ni Jehova ang di-sakdal na mga tao na tumulong sa
paglilinang, pagpapatibay, at pagpapalawak sa espirituwal na paraiso sa lupa!
HIGIT NA PINAGAGANDA NI JEHOVA
ANG KANIYANG ORGANISASYON
Inihula sa Isaias 60:17 ang kamangha-manghang
pagbabago may kaugnayan sa makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova.
1. Pagsulong
sa kaayusan ng organisasyon
Sa nakalipas
na mga taon, personal na naranasan ng maraming may-edad nang Saksi ang ilan sa
mga pagbabago na lalong nagpaganda sa makalupang bahagi ng organisasyon ni
Jehova. Naaalaala pa nila noong ang mga kongregasyon ay may isang lingkod ng
kongregasyon sa halip na lupon ng matatanda, ang mga bansa ay may isang lingkod
ng sangay sa halip na Komite ng Sangay, at ang mga tagubilin ay nagmumula sa
presidente ng Watch Tower Society sa halip na sa Lupong Tagapamahala ng mga
Saksi ni Jehova. Bagaman ang lahat ng brother na iyon ay may tapat na mga
assistant, iisang tao pa rin ang gumagawa ng mga desisyon sa mga kongregasyon,
sa tanggapang pansangay, at sa pandaigdig na punong-tanggapan. Noong dekada
’70, may ginawang mga pagbabago—ang pangangasiwa ay iniatang sa mga grupo ng
matatanda sa halip na sa mga indibiduwal.
Ang mga
pagbabagong ito ay batay sa mas malinaw na pagkaunawa sa Kasulatan. Sa halip na
impluwensiya ng isang tao ang mangibabaw, ang organisasyon ay nakikinabang sa
iba’t ibang magagandang katangian ng lahat ng “kaloob na mga tao” na inilalaan
ni Jehova.—Efe. 4:8; Kaw. 24:6.
2. Pagbabago
sa paraan ng pagpapalagananap ng katotohanan
Isipin ang
kamakailang mga pagbabago, gaya ng binagong disenyo, nilalaman, at paraan ng
pamamahagi ng ating mga publikasyon. Hindi ba’t napakasarap mag-alok sa mga tao
ng praktikal at magagandang literatura? Kapag ginagamit natin ang pinakabagong
teknolohiya sa pagpapalaganap ng katotohanan, gaya ng website na jw.org,
naipakikita natin na talagang gusto ni Jehova na ilaan ang patnubay na
kailangang-kailangan ng mga tao kahit saan.
3. Pagbabago
sa espirituwal na pagpapakain sa kaniyang bayan.
Pinahahalagahan
din natin ang pagbabagong ginawa para magkaroon tayo ng Pampamilyang Pagsamba o
mas maraming panahon para sa personal na pag-aaral. At pinahahalagahan natin
ang mga pagbabago sa mga programa ng ating asamblea at kombensiyon. Madalas
nating sabihin na paganda ito nang paganda taon-taon! At tiyak na
ipinagpapasalamat natin ang higit na pagsasanay na inilalaan ng ating mga
teokratikong paaralan.
Maliwanag na
si Jehova ang nasa likod ng lahat ng pagbabagong ito. Patuloy niyang
pinagaganda ang kaniyang organisasyon at ang espirituwal na paraisong
tinatamasa natin ngayon!
ANG BAHAGI MO SA PAGPAPAGANDA
NG ESPIRITUWAL NA PARAISO
Isang karangalan na
pahintulutan tayo ni Jehova na tumulong sa pagpapaganda ng ating espirituwal na
paraiso. Ginagawa natin iyan sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng
mabuting balita ng Kaharian at paggawa ng alagad. Sa tuwing may natutulungan
tayo na mag-alay bilang Kristiyano, napalalawak natin ang mga hangganan ng
espirituwal na paraiso.—Isa. 26:15; 54:2.
Makatutulong din tayo sa
pagpapaganda ng ating espirituwal na paraiso kung patuloy nating pasusulungin
ang ating Kristiyanong personalidad. Sa ganitong paraan, mas marami ang maaakit
sa espirituwal na paraiso. Kadalasan nang hindi sa kaalaman sa Bibliya kundi sa
ating malinis na paggawi at mapayapang pakikitungo unang naaakit ang mga tao
kung kaya pumapasok sila sa organisasyon at nagiging malapít sa Diyos at kay
Kristo.
Comments
Post a Comment