Pakabanalin Nawa ang Pangalan Mo





Notes on Watchtower study (w6/20, Araling Artikulo 23)

Par. 17- Paano ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama?
Tinulungan ni Jesus ang mga tao na makilala si Jehova sa pamamagitan ng lubusang pagtulad niya sa mga katangian ng kaniyang Ama.​—Juan 14:9.
* Halimbawa, nang mamatay si Lazaro, siguradong damang-dama ng mga alagad ang habag ng Ama nang si Jesus ay “dumaing sa espiritu at nabagabag” at “lumuha.” Kahit alam ni Jesus na bubuhayin niyang muli si Lazaro, nakadama pa rin siya ng hinagpis gaya ng mga kapamilya at kaibigan nito. (Juan 11:32-35, 40-43)
* Isa pang halimbawa ay ang ulat tungkol sa paglilinis ni Jesus sa templo? Isip-isipin ang nangyari: Gumawa si Jesus ng isang panghagupit na lubid at pinalayas ang mga nagtitinda ng mga baka at mga tupa. Ibinuhos niya ang mga barya ng mga tagapagpalit ng salapi at itinaob ang kanilang mga mesa. (Juan 2:13-17) Masasalamin sa matinding reaksiyon ni Jesus sa kasamaan kung ano ang nadarama ng Ama kapag nakikita Niya ang kabalakyutang laganap sa daigdig ngayon. Ipinaaalaala nito sa atin na hindi lang kayang-kayang alisin ng Diyos ang kabalakyutan sa lupa; gustung-gusto rin Niyang alisin iyon. Talagang nakapagpapatibay iyan sa atin kapag dumaranas tayo ng kawalang-katarungan!


Bakit napakahalaga ng pagpapabanal sa pangalan ni Jehova?
Siniraan ni Satanas ang reputasyon ni Jehova para magduda si Eva kung si Jehova ba ay mabuting Ama. Walang tapat na pag-ibig si Eva kay Jehova, at gayon din si Adan. Dahil dito, hindi ipinagtanggol nina Adan at Eva ang pangalan at reputasyon ni Jehova, kaya naging madali sa kanila na magrebelde sa Ama nila.
Ganiyan din ang ginagawa ni Satanas ngayon. Sinisiraan niya ang pangalan ni Jehova kaya nagiging madali na lang sa mga taong naniniwala sa mga kasinungalingan ni Satanas na tanggihan ang pamamahala ni Jehova.
Puwede sanang sinabi ni Eva kay Satanas: “Hindi kita kilala, pero kilala ko ang Ama kong si Jehova. Mahal ko siya at nagtitiwala ako sa kaniya. Sa kaniya galing ang lahat ng mayroon kami. Sino ka para siraan siya? Layas!” Napakasaya sana ni Jehova kung iyan ang sinabi ng anak niya! (Kaw. 27:11)

Bakit kailangan pang pabanalin ang banal na pangalan ng Diyos?
Sinisiraan pa rin ni Satanas ang pangalan ng Diyos ngayon. Gusto niyang pagdudahan ng mga tao na ang Diyos ay makapangyarihan, makatarungan, marunong, at mapagmahal. Halimbawa, sinusubukan ni Satanas na kumbinsihin ang mga tao na si Jehova ay hindi Maylalang. At kung naniniwala naman ang mga tao na may Diyos, sinusubukan naman silang paniwalain ni Satanas na ang Diyos at ang pamantayan Niya ay mahigpit at hindi patas. Itinuturo pa nga niya sa mga tao na si Jehova  ay malupit na Diyos, na sinusunog ang mga tao sa impiyerno. Kapag naniwala sila sa mga kasinungalingang ito, madali na para sa kanila na tanggihan ang pamamahala ni Jehova.

Ano ang bahagi mo sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova?
Hinahayaan ni Jehova na magkaroon tayo ng bahagi sa pagpapabanal sa pangalan niya, kaya magagawa natin ang hindi nagawa nina Adan at Eva. Kahit na napapalibutan tayo ng mga taong sumisira at lumalapastangan sa pangalan ni Jehova, may pagkakataon tayong ipagtanggol ang pangalan ni Jehova at sabihin sa mga tao na si Jehova ay banal, makatuwiran, mabuti, at mapagmahal. (Isa. 29:23) Masusuportahan natin ang pamamahala niya. Matutulungan natin ang mga tao na maunawaang ang pamamahala lang ni Jehova ang totoong matuwid at na ito lang ang makakapagbigay ng kapayapaan at kaligayahan sa lahat ng nilalang.​—Awit 37:9, 37; 146:5, 6, 10.

Tinulungan ni Jesus ang mga tao na makilala si Jehova sa pamamagitan ng lubusang pagtulad niya sa mga katangian ng kaniyang Ama.​—Juan 14:9. Matutularan din  natin si Jehova. Posible ito kahit hindi tayo perpekto. (Efe. 5:1, 2) Kapag naipapakita natin sa salita at gawa kung anong uri ng Diyos si Jehova, makakatulong tayo sa pagpapabanal sa pangalan niya.

Mapapabanal din natin ang pangalan ni Jehova kapag sinisikap nating maabot ang pangunahing tunguhin natin sa pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya – ito ay tulungan ang iba na ibigin ang ating Ama, si Jehova, at maging tapat sa kaniya. Kaya kailangan nating idiin ang magaganda niyang katangian at ipakita kung anong uri ng Diyos si Jehova. (Basahin ang Isaias 63:7.) Kapag ginawa natin iyan, matutulungan natin ang mga tao na ibigin at sundin si Jehova dahil gusto nilang maging tapat sa kaniya.


Comments