Source: w93 8/15 p. 19 mga par. 4-6 Hayaang Umiral at Mag-umapaw ang Iyong Pagpipigil-sa-sarili
Ang pagpipigil-sa-sarili ay isang mahalagang bahagi ng pagka-Kristiyano. (2 Pedro 1:5-8) Gayunman, mas madaling sabihin na tayo’y dapat magpakita ng pagpipigil-sa-sarili kaysa aktuwal na gawin ito sa ating araw-araw na pamumuhay. Ang isang dahilan ay sapagkat isang pambihirang katangian ang pagpipigil-sa-sarili. Sa 2 Timoteo 3:1-5 ay binanggit ni Pablo ang mga saloobin na mangingibabaw sa panahon natin, sa “mga huling araw.” Isang katangian na makikita sa panahon natin ay na marami ang “walang pagpipigil-sa-sarili.”
Maraming tao ang naniniwala na makabubuti sa ating kalusugan na “bigyang daan ang ating damdamin nang walang pagpipigil” o “magpasiklab ng matitinding damdamin o galit.” Ang kanilang pananaw ay pinatitibay ng papel na ginagampanan ng tanyag na mga modelo na waring ipinagwawalang-bahala ang anumang uri ng pagpipigil-sa-sarili, na walang sinusunod kundi ang kanilang mapupusok na damdamin. Bilang halimbawa: Marami na mahilig sa propesyonal na isports ang nahirati na sa walang-patumanggang pagpapakita ng emosyon, kahit nga ng marahas na pagkagalit. Natatandaan mo ba, kahit na lamang sa mga pahayagan, ang mga pagkakataon na sumiklab ang mararahas na pag-aaway o mga pang-uumog sa mga laro?
Makapaglilista ka ng maraming bagay na kung saan kailangan tayong magpakita ng pagpipigil-sa-sarili—sa ating pagkain at pag-inom, sa ating pakikitungo sa mga di-kasekso, at sa panahon at salaping ginugugol sa libangan. Subalit sa halip na suriin nang pahapyaw ang marami sa gayong mga bagay, tingnan natin kung saan unang-unang kailangang magpakita tayo ng pagpipigil-sa-sarili.
Marami sa atin ang makatuwirang nagtagumpay sa pakikitungo o pagpipigil sa ating mga kilos. Hindi tayo nagnanakaw, napadadala sa imoralidad, o pumapatay; alam natin kung ano ang kautusan ng Diyos tungkol sa gayong mga kasamaan. Ngunit, gaano tayo katagumpay sa pagsupil ng ating emosyon? Pagsapit ng panahon, ang mga taong bigo sa paglinang ng emosyonal na pagpipigil-sa-sarili ay kalimitan nawawalan ng pagpipigil-sa-sarili kung tungkol sa kanilang mga pagkilos.
Ang isang pitak ng pagpipigil sa sarili na pangunahin nang dapat nating ipakita ay ang pagsupil sa ating emosyon. At iyan ay pangunahin sapagkat ang hindi pagsupil sa ating emosyon ay maaaring humantong sa hindi pagsupil sa ating dila, sa ating kapusukan sa sekso, sa mga kaugalian natin sa pagkain, at marami pang mga pitak ng buhay na kung saan kailangang magpakita tayo ng pagpipigil-sa-sarili. (1 Corinto 7:8, 9; Santiago 3:5-10)
Paano natin mapasusulong pa ang pagpipigil-sa-sarili?
Si Jehova ay handang tumulong
sa atin. Ang pagpipigil-sa-sarili ay isa sa mga bunga ng kaniyang espiritu.
(Galacia 5:22, 23) Sa gayon, sa lawak na tayo’y gumagawa upang maging
kuwalipikado na humingi at tumanggap ng banal na espiritu mula kay Jehova at
ipakita ang mga bunga niyaon, sa ganiyan ding lawak makaaasa tayo na magtaglay
ng higit pang pagpipigil-sa-sarili. Huwag kalilimutan ang katiyakan na ibinigay
ni Jesus: “Ang inyong Ama sa kalangitan [ay] magbibigay ng banal na espiritu sa
mga humihingi sa kaniya!”—Lucas 11:13; 1 Juan 5:14, 15.
Habang tayo’y palapit nang palapit sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, patuloy na darami ang kaigtingan at mga kagipitan. Mangangailangan tayo ng hindi kakaunting pagpipigil-sa-sarili kundi higit, makapupong higit pa! Suriin ang iyong sarili kung tungkol sa iyong pagpipigil-sa-sarili. Kung makita mong may mga bahagi na kailangan mong pasulungin, gawin mo iyon. (Awit 139:23, 24) Humingi ka sa Diyos ng higit pa ng kaniyang espiritu. Pakikinggan ka niya at tutulungan ka upang ang iyong pagpipigil-sa-sarili ay umiral at mag-umapaw.
Comments
Post a Comment