Toolbox sa Pagtuturo (Part 1): Contact Card at Imbitasyon

 Mga Tool na Nagpapakilala sa Atin

Contact Card. Maliit lang ito pero mabisang tool na magagamit natin para ipakilala ang ating sarili sa mga tao at akayin sila sa ating website, kung saan mas makikilala nila tayo at puwede pa nga silang humiling ng pag-aaral sa Bibliya. Sa ngayon, mahigit nang 400,000 online request ng pag-aaral sa Bibliya ang natanggap ng jw.org, at daan-daan pa ang humihiling nito araw-araw! Puwede kang magdala ng ilang contact card para masamantala mo ang pagkakataong makapagpatotoo habang ginagawa ang iyong pang-araw-araw na gawain.
Imbitasyon. Ang imbitasyon sa pulong ng kongregasyon ay may dalawang layunin. Sinasabi nito: “Imbitado ka na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.” Pagkatapos, may opsiyon kung gagawin ito “sa [ating] pampublikong pagtitipon” “o kasama ng isang tagapagturo.” Kaya ang tool na ito ay hindi lang nagpapakilala sa atin kundi nag-iimbita rin sa mga “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” na mag-aral ng Bibliya. (Mat. 5:3) Siyempre pa, tinatanggap natin ang mga tao sa ating mga pulong, magpa-Bible study man sila o hindi. Kapag dumalo sila, makikita nila at maririnig ang iniaalok nating tunay na edukasyon mula sa Bibliya.

Comments