Kapag binabanggit ang Diyos na
Jehova, ano ang naiisip mo? Sino ba talaga si Jehova? Sinasabi ng kaniyang
Salita, ang Bibliya, kung ano ang kaniyang mga katangian. Sinasabi rin nito na
nagmamalasakit siya sa iyo.
Habang nalalaman natin ang mga
katangian ni Jehova, mas nakikilala natin kung anong uri siya ng Diyos, at
lumalalim din ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya. Sa lahat ng magagandang
katangian ng Diyos, may apat na nangingibabaw: ang kaniyang kapangyarihan,
karunungan, katarungan, at pag-ibig.
Naiisip mo ba kung paano ka nakikinabang sa mga katangian
ni Jehova?
ANG DIYOS AY MAKAPANGYARIHAN
“O Soberanong Panginoong Jehova! Narito, ikaw ang gumawa
ng langit at ng lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan.”—JEREMIAS
32:17.
Paano tayo nakikinabang sa kapangyarihan ng Diyos? Ang buhay natin ay nakadepende sa mga nilikha ng Diyos, gaya ng araw at ng lahat ng likas na yaman dito sa lupa. Ginagamit din ng Diyos ang kapangyarihan niya para tulungan ang mga indibidwal. Paano? Noong unang siglo, binigyan ng Diyos si Jesus ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Mababasa natin: “Ang mga bulag ay muling nakakakita, at ang mga pilay ay lumalakad, ang mga ketongin ay napalilinis at ang mga bingi ay nakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon.” (Mateo 11:5) Kumusta naman ngayon? “Siya ay nagbibigay ng lakas sa pagod,” ang sabi ng Bibliya. Idinagdag pa nito na ang “mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas.” (Isaias 40:29, 31) Nagbibigay rin ang Diyos ng “lakas na higit sa karaniwan” para maharap at matiis natin ang mga problema at pagsubok sa buhay. (2 Corinto 4:7) Tiyak na mapapalapít ka sa Diyos na maibiging ginagamit ang kaniyang kapangyarihan para sa kapakanan natin.
ANG DIYOS AY MARUNONG
“Kay rami ng iyong mga gawa, O
Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon.”—AWIT 104:24.
Paano tayo nakikinabang sa karunungan ng Diyos? Alam ng Maylikha kung ano ang kailangan natin para maging maligaya. Mula sa kaniyang malawak na kaalaman at kaunawaan, nagbibigay siya ng matalinong payo sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Halimbawa, sinasabi nito: “Patuloy ninyong . . . patawarin ang isa’t isa.” (Colosas 3:13) Bakit isang katalinuhan ang payong iyan? Ayon sa mga doktor, ang pagiging mapagpatawad ay nakakatulong sa mahimbing na pagtulog at nakapagpapababa ng blood pressure. Makakatulong din ito para maiwasan ang depresyon at iba pang problema sa kalusugan. Gaya ng isang matalino at mapagmalasakit na kaibigan, ang Diyos ay hindi nagsasawang magbigay ng kapaki-pakinabang na payo. (2 Timoteo 3:16, 17) Tiyak na gusto mo ng ganiyang kaibigan.
ANG DIYOS AY MAKATARUNGAN
“Si Jehova ay maibigin sa
katarungan.”—AWIT 37:28.
Paano tayo nakikinabang sa
katarungan ng Diyos? Sinabi ni apostol Pedro: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi,
kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay
kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Nakikinabang tayo sa katarungan ng Diyos
dahil hindi siya kailanman nagtatangi o nagpapakita ng paboritismo. Tatanggapin
niya tayo at ang ating pagsamba anuman ang ating lahi, nasyonalidad, edukasyon,
o katayuan sa buhay.
ANG DIYOS AY PAG-IBIG
“Ang Diyos ay pag-ibig.”—1
JUAN 4:8.
Paano tayo nakikinabang sa
pag-ibig ng Diyos? Nagagandahan tayo sa paglubog ng araw. Natutuwa tayong
marinig ang tawa ng isang sanggol. Pinapahalagahan natin ang pagmamahal ng mga
kapamilya natin. Hindi naman natin kailangan ang mga ito para mabuhay, pero
nagpapasaya ito sa atin.
Nakikinabang din tayo sa isa pang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos: ang panalangin. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” Gaya ng isang mapagmahal na ama, gusto niyang sabihin natin sa kaniya kahit ang nilalaman ng ating puso. Dahil sa kaniyang di-makasariling pag-ibig, nangangako si Jehova na ibibigay niya “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”—Filipos 4:6, 7.
Para lumalim pa ang
pagpapahalaga mo sa Diyos, alamin kung ano na ang mga nagawa niya at gagawin pa
para sa iyo.
Reference:
Comments
Post a Comment